(NI LYSSA VILLAROMAN)
NAKAPAGTALA ng mahigit sa 3,810 toneladang basura,water hyacinths at mga burak ang nakolekta ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga baybayin ng Manila Bay simula nang gawin ang rehabilitasyon nito.
Ayon sa Manila Bay rehabilitation report ng MMDA, ang mga nakolekta mula Enero 7 hanggang Agosto 31 ay nasa 2,639 cubic meters / 749.72 toneladang basura mula Manila Baywalk at mga kanal na konektado rito; 2,594.34 cubic meters / 737.12 toneladang basura at water hyacinths na mula sa beach area, lagoon at aplaya ng Baseco beach sa Tondo; 3,174.5 cubic meters / 901.85 toneladang basura at water hyacinths mula sa Pasig river at ilog ng San Juan
Samantalang, nasa 5,005.5 cubic meters/1,422.17 toneladang burak mula sa mga estero at kanal.
Inaasahan naman ni MMDA Chair Danilo Lim na mas maraming basura pa rin ang kanilang makokolekta dahil na rin sa malakas na pag-ulan nitong mga nagdaang araw.
“Dumami ang mga basura sa Manila Bay dahil sa malakas na ulan pero hindi titigil ang rehabilitasyon natin dito. Hinihimok natin ang mas marami pang volunteers na makiisa sa isinasagawang clean-up tuwing Sabado sa Baywalk at Baseco,” pahayag ni Lim.
Karamihan sa mga nakolekta ay mga naanod na kawayan at mga kahoy na mula sa mga kalapit na palaisdaan, mga water hyacinths, plastics, basura mula sa mga bahay, at iba pang mga basurang itinapon sa mga estero at sapa.
Bukod sa paghahakot ng mga basura ay nakapokus din ang mga tauhan ng MMDA sa paglilinis ng mga malalaking drainage gaya ng Estero San Antonio de Abad, Tripa de Gallina, Padre Faura Drainage Main, Remedios Drainage Main para maiwasan ang mga basura at burak na umabot pa ng Manila Bay.
“Marami pang kailangang gawin ang gobyerno sa rehabilitasyon ng Manila Bay pero nasa tamang landas naman tayo tungo sa pagpapaganda at pagsasaayos ng kalidad ng tubig,” ani Lim.
Ang Manila Bay rehabilitation program ay pinangungunahan ng Department of Environment, and National Resources (DENR) at ng MMDA, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, pribadong grupo, environmentalists, at mga volunteers.
Nasa 18,457 volunteers na ang sumasama sa Manila Bay cleanup na inorganisa ng MMDA para sa walang humpay na paglilinis ng Manila Baywalk at Baseco mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.
329