PARA sa isang commuter safety and protection advocate, tila walang silbi ang Motorcycle Taxi Technical Working Group o MC-TWG na pinamumunuan ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil hindi nito natugunan ang mga hinaing at alalahanin kaugnay sa motorcycles-for-hire.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Antipolo Rep. Romeo Acop, kinuwestyon ni Atty. Ariel Inton, kinatawan ng Lawyers for Commuter Safety and Protection, ang legalidad ng TWG na nangangasiwa sa operasyon ng two-wheeled taxis sa ilalim ng pilot study na sinimulan noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig nitong Agosto 8 na naglalayong alamin ang status ng programa, binanggit ni Inton na: “We don’t know what kind of animal [the] TWG [is] … it has no legal personality.”
“At kapag may complaint doon, they could not decide. And if they decide, can they implement?” aniya pa.
Hiling ni Inton sa Kongreso, siliping mabuti ang binuong MC-TWG na para sa kanya ay walang legal personality dahil hindi makapagpasya sa mga reklamo at sa oras na magpasya ay hindi naman makapagpatupad.
Tugon naman ni Congressman Acop, ang pagbuo ng TWG ay batay sa House Resolution 2449 at habang wala pang batas ay pinapayagan ang Department of Transportation sa pamamagitan ng LTFRB na bumuo ng TWG para sa pagsasagawa ng pilot study.
Binanggit din ng mambabatas ang isinasaad sa House Resolution 2449, na “while legislation on the matter is pending in Congress, the DOTr (Department of Transportation) is in the position to address this gap by setting up a pilot program monitoring the operations of motorcycle taxis and overseeing the conduct of the entire transaction from booking the trip to passengers arrival destination.”
“So nasa kanila ‘yon … they have the legal personality as stated here,” ani Acop.
Bunsod nito ay inatasan naman ni Acop si LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na isumite sa Kamara ang resulta ng pilot study na dapat ay natapos na noon pang 2021.
“Make a report to the House that your study was already terminated and you are coming to a recommendation,” atas ni Acop sa TWG.
Tiniyak naman ni Guadiz na isusumite ng MC-TWG sa House panel ang kanilang report “within 30 days.”
(BERNARD TAGUINOD)
90