DALAWANG dayuhan na hinihinalang dinapuan ng Novel Coronavirus, ang natagpuang walang buhay sa magkahiwalay na lugar sa lungsod ng Maynila, iniulat ng mga awtoridad kahapon.
Unang ini-report ang pagkamatay ng biktimang si Florin-Dan Klein, 60-anyos, Roman national at kapitan ng MV/Tabea Cargo Shipping Vessel.
Batay sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-2:05 ng madaling araw nang makatanggap sila ng tawag mula sa PNP Maritime Group na umano’y natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng body bag habang nakadaong ang barko sa Pier 13 sa South Harbor.
Samantala, bandang alas-8:20 ng umaga nitong Sabado, nakitang palutang-lutang ang bangkay ng isang Chinese national na kinilalang si Suet Ming Ellis Chan, 55-anyos, tubong Hong Kong, sa baybayin ng Manila Bay, sa tapat ng MJ Café sa Malate,Manila.
Nakasukbit sa nasabing bangkay ang isang itim na backpack at natagpuan doon ang pasaporte ng biktima.
Hinihinalang galing sa Wuhan City sa China ang biktima na maaaring tumakas upang maiwasan ang nasabing nakahahawang sakit.
Gayunman, patuloy ang isinagagawang imbestigasyon ng pulisya habang ang dalawang bangkay ay nasa pangangalaga ng Cruz Funeral Morgue.
“Natatakot nga kami, baka mahawa kami kung totoong may Coronavirus sila,” ayon sa mga kawani ng punerarya. (RENE CRISOSTOMO)
136