(NI NOEL ABUEL)
PARA kay Senador Panfilo Lacson, maituturing na “government-sanctioned highway robbery” ang kinokolekta ng Manila Water Co. sa mga consumers sa itatayong Cardona water treatment plant sa Rizal.
Sa ginanap na pagdinig nitong Martes sa Senate committee on public services, iginiit ni Lacson na ipinakokolekta na sa mga consumers ang konstruksyon ng nasabing planta na nagsimula pa noong 2016.
Inamin naman ito ni Manila Water president Ferdinand dela Cruz kung saan taong 2015 nang simulan nito ang pangongolekta sa mga consumers para sa Cardona plant makaraang matanggap nito ang bagong water rates ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
“We started collecting on the Cardona plant in 2015 when the new rates were given to us,” sagot ni Dela Cruz sa pag-uusisa ni Lacson.
Dahil dito, hiniling ng senador na suspindehin ang pangongolekta sa pagsasabing dehado ang taumbayan.
“Parang it’s tantamount to a government-sanctioned highway-robbery e. Parang ganu’n ang dating. Why is that, Atty. Ty?” tanong pa ni Lacson kay MWSS chief Patrick Ty na nagsabing taong 1997 pa nang mapagdesisyunan ang pagtatayo ng nasabing pasilidad.
156