NILUSOB ng hindi pa nakikilalang mga lalaki ang opisina ng ACT-CIS sa Quezon City.
Nabatid na dakong alas-2:00 ng madaling araw noong Marso 9, nang bumaba sa sinasakyang pampasaherong jeepney ang ilang kalalakihan sa harap ng opisina ng ACT-CIS Party-list Office sa Quezon City.
Base sa CCTV footage, dumating muna ang dalawang lalaking naka-motor. Kinatok nila nang kinatok ang gate ng opisina subalit hindi sila pinagbuksan ng guwardiya.
Makalipas lang ng ilang minuto, dumating ang isang pampasaherong jeep lulan ang sandosenang kalalakihan.
Inabot ng halos isang oras ang kalalakihan sa labas ng opisina ng ACT-CIS at kinakatok ng malakas at gustong pumasok ngunit dahil sa mataas ang gate at pader ay hindi na sila nakapasok kaya nagpasya na lamang na sumakay muli sila sa jeep.
Isang araw bago ang nasabing insidente, may dumating na nagpakilalang mga pulis at tinatanong kung doon ang opisina ni Senador Raffy Tulfo.
Tinanong din kung sino-sinong ACT-CIS Congressman ang pumapasok sa nasabing opisina.
Bandang alas-10:00 naman ng umaga kinabukasan, isang lalaki ang napansin ng mga guwardiya ng ACT-CIS na kumukuha ng video sa mga tao at sasakyan na pumapasok at lumalabas ng opisina.
Pina-blotter na ng mga guwardiya ng ACT-CIS sa pinakamalapit na police station ang insidente.
Sa ngayon ay inaalam pa kung sinu-sino ang kalalakihan na lumusob sa opisina ng ACT-CIS, ano ang pakay nila at kung sino ang nag-utos sa kanila.
