Illegal vendors, terminal sa Caloocan NAKASISIRA SA IMAHE NI MAYOR ALONG

MALIWANAG na may sabwatan ng ilang tiwaling kawani ng pamahalaang lungsod ng Caloocan at mga sidewalk vendor at illegal terminal kaya hindi nagiging maayos ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng nasabing lungsod.

Ito ang obserbasyon ng mga motorista, at mga taong napapadaan sa gawi ng Monumento, istasyon ng LRT kung bakit naging talamak ang mga sagabal sa mga pangunahing lansangan na parang sila na ang naghahari at walang makapipigil sa kanilang mga illegal na gawain.

Maging ang mga estudyante at mga dayo mula sa ibang lugar na napapadaan lamang sa mga nasabing lansangan ay nabibiktima pa ng mga mandurukot, madadayang timbangan ng mga nagbebenta ng mga hinahaluang bulok na prutas.

“Sinusunod nga nila ang direktiba ni Mayor Along (Malapitan) ngunit sila rin ang kumukunsinte sa mga naglilipanang sidewalk vendor at maging mga habal-habal ay isa rin sa nagiging sagabal sa mga daanan ng pedestrian,” ayon sa isang security guard ng LRT na ayaw ipabanggit ang pangalan.

Napag-alaman din sa isang insider ng city hall na ang ilang kagawad ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) ay nagsisilbi umanong espiya ng mga sidewalk vendor at mga illegal terminal.

Bago pa lamang makarating ang mga raiding team ng DPSTM ay malinis na ang mga bangketa dahil tinimbrehan na sila ng kanilang kasabwat na magsasagawa ng clearing operation gayundin kapag may gagawing panghuhuli sa mga pampasaherong bus na ginagawang terminal ang harapan ng PNB Branch ng Caloocan.

Kung ilang beses na pinadaan na lang sa Facebook messenger ang pakikipag-ugnayan kay Engr. Jay Bernardo, ang overall chief ng DPSTM ganun din kay Jojo Garcia na may hawak ng bandang LRT at EDSA ngunit parang deadma lang sa kanila lalo sa kanilang mga binibigay na malabong katwiran.

Umiiwas ang SAKSI Ngayon na maakusahan ng hindi patas na pagbabalita ngunit ang pakikipag-usap sa kanila ay maaaring sapat na para ibigay ang tunay na nangyayari na talagang talamak ang mga illegal na hanapbuhay sa pinaka sentro mismo ng nasabing lungsod.

Para mapatunayan na tama ang paglalathala ay iminumungkahi na mismong si Mayor Along na ang pumunta sa mga nasabing lugar at huwag ipaaalam sa kanyang DPSTM para siya na mismo ang makasaksi na hindi nagkamali ang SAKSI Ngayon sa pagbibigay ng makatotohanang pagbabalita. (MARDE I. INFANTE)

43

Related posts

Leave a Comment