MAAARI pang maisalba ang reputasyon ng Senado bagaman nakompromiso ang integridad nito sa pagsali nina Sens. Ronald “Bato” Dela Rosa at Christopher “Bong” Go sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
“We believe in the sense of fairness of SP Escudero and Sen. Pimentel and the impartiality of their investigation. However, we believe that the inquiry will be tainted if Senators dela Rosa and Go continue to get themselves involved in it,” ani House committee on public order and security chairman Rep. Dan Fernandez.
Ipinaliwanag ni Fernandez na si Dela Rosa na hepe ng Philippine National Police (PNP) ang overall in charge sa unang dalawang taon ng war on drugs kung saan libu-libo agad ang namatay kasama na ang mga inosente at walang kinalaman sa ilegal na droga.
Kinumpirma rin aniya ng mga retired police officers tulad ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma ang reward system kung saan binabayaran ng P20,000 hanggang P1 milyon ang mga pulis na makakapatay ng drug suspect kung saan si Go umano ang taga-bayad.
“In those roles, they are directly or indirectly responsible for the tens of thousands of drug suspects and innocent people, including young children, killed in the course of the Duterte administration’s anti-drug war,” ayon pa kay Fernandez.
Dahil dito, hindi nararapat sumali sina Dela Rosa at Go sa nasabing imbestigasyon dahil puro pagtatanggol umano sa sarili ang kanilang ginawa.
Inayunan naman ito ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kaya hinamon nito si Dela Rosa na umupo bilang resource person sa nasabing imbestigasyon imbes na siya ang nagtatanong dahil pang-aabuso aniya ito sa kanyang posisyon.
“[I]t is unfair that he is allowed to ask questions to families or representatives of drug war victims, when in fact siya ang chief implementor ng drug war. Tinawag pa niyang propaganda ang paglalahad ng defenders ng drug war victims! Nakakagalit! The Senate should not allow this!” ani Manuel. (BERNARD TAGUINOD)
28