TILA naibsan o pansamantalang nakalimutan ng halos 2,000 pamilyang nasunugan ang kanilang problema nang bumisita si dating Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa evacuation center.
Partikular na pinuntahan ng dating alkalde ang General Vicente Lim Elementary School kung saan isa-isang kinumusta ang kalagayan ng bawat pamilyang nawalan ng tirahan.
Ayon kay Domagoso, batid niya ang hirap na pinagdadaanan ng mga nasunugan ngunit naroon pa rin ang pasasalamat na walang nasaktan o nasawi sa matinding sunog na tumupok sa tenement area Aroma Compound.
Bagamat malungkot ang mga nasunugan, ikinatuwa naman ng mga ito nang makita si Domagoso at isa-isa silang niyakap at kinumusta.
Handa rin itong tumulong sa mga naapektuhan ng sunog kasama ang kanyang tandem sa abot ng kanilang makakaya.
Sumiklab ang sunog sa Bldg.27 hanggang 23 noong Sabado na umabot sa Task Force Bravo at halos 13 oras tinagal ang sunog bago ito tuluyang naapula ng mga bumbero.
Tumulong din ang Philippine Air Force 505th Search and Rescue Brigade gamit ang kanilang Bambi Bucket upang mapadali ang pag-apula sa matinding sunog.(Jocelyn Domenden)
47