HINDI nakadalo sa pagdinig sa Senado kahapon ang executive ng Whirlwind Corporation na si Cassandra Li Ong dahil isinugod ito noong Miyerkoles ng gabi sa St. Luke’s Medical Center.
Bumagsak umano ang blood pressure ni Ong habang ginigisa ng mga mambabatas sa Kamara sa papel nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga.
Hindi naitago ng mga mambabatas ang pagkapikon kay Ong dahil sa pagsisinungaling umano nito sa ugnayan ng Whirlwind at Lucky South 99 gayung maraming ebidensiya na kapwa may papel ito sa nasabing kumpanya.
Dahil dito, pinagalitan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong si Ong dahil nagpapa-cute lamang umano ito at kapag tinatanong ay lagi nitong sinasabi na iche-check nito ang kanyang record at paligoy-ligoy sa pagsagot.
Maging si Laguna Rep. Dan Fernandez ay nagsabi na maghahain na ito ng mosyon para ipakulong na sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City si Ong imbes na sa detention center sa Batasan Pambansa.
Nang lumabas para sa tawag ng kalikasan, doon na umano bumaba ang blood pressure ni Ong kaya inirekomenda ng resident doctor ng Kamara na huwag muna itong pabalikin sa hearing at kalaunan ay dinala na sa pagamutan.
Samantala, lumabas din sa nasabing pagdinig na ang boss at ninong ni Ong na si Duanren Wu, ay dating pulis sa China na may hindi magandang record. (BERNARD TAGUINOD)
79