PINUNA ng Commission on Audit (COA) ang munisipalidad ng Itogon dahil sa umano’y ‘paglabag’ sa procurement law at ‘unaccounted’ relief goods o hindi nabilang na welfare goods na ipinamahagi umano sa mga residente noong panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).
Sa kanilang CY 2020 Audit Report, sinabi ng COA na pangunahin umanong ‘nalabag’ ng munisipalidad ng Itogon ang Section 10 ng Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Government Procurement Act (RA 9184) at ang mga probisyon ng Bayanihan Grant to Heal as One Act (RA 11469), at GPPB Circular 01-2020 dahil sa kanilang pagbili ng milyun-milyong pisong halaga ng food at non-food items nang walang public bidding, at sa halip ay sa pamamagitan lamang ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan noon pang 2019.
Nabatid na ang mga goods, na binili gamit ang LDRRM funds ng LGU, ay para sa sa mga apektadong pamilya noong nagpairal ang pamahalaan ng ECQ dahil sa COVID-19 pandemic.
Batay sa ulat, ang pagbili ng mga goods ay base lamang sa isang lumang MOA at salungat sa ‘principle of competitiveness.’ Bilang karagdagan, ang naturang MOA ay wala ring warranty clause, na naglalagay sa LGU sa panganib dahil sa kawalan ng paraan upang legal na mabawi ang anomang pagkawala kung sakaling hindi sumunod ang supplier sa kasunduan.
Bilang resulta nito, hindi rin nabibigyan ng katiyakan ang mamamayan ng Itogon na ang naibigay nga sa kanila ay ang pinaka-kapaki-pakinabang sa presyo, habang ang mga ‘legally, technically, at financially capable’ na mga suppliers ay napagkaitan naman ng pantay na oportunidad upang lumahok sa procurement process.
Bukod dito, ang munisipyo ng Itogon ay binandera rin ng COA para sa mga unaccounted o hindi nabilang na milyun-milyong pisong halaga ng iba’t ibang welfare goods na ipinamahagi sa panahon ng ECQ.
Sa CY2020 Audit Report nito, sinabi ng COA na lumitaw sa isinagawa nilang beripikasyon sa listahan ng pamamahagi na maliban sa isang barangay, ang mga ipinamahaging item ay hindi kinilala o natanggap ng mga benepisyaryo sa iba pang walong barangay.
Nabatid na naobserbahan din ng COA na hindi nakasaad ang deskripsyon at dami ng mga ipinamahaging goods sa mga residente.
Anang COA, ang kawalan ng naturang itemized na listahan ng goods na ibinahagi sa mga benepisyaryo ay hindi nagbibigay ng katiyakan na ‘fully accounted’ o naitala nga ba ang mga naturang kalakal.
87