KABATAAN SA AGENDA NG PARTY-LIST

BAGAMAT may kanya-kanyang sektor na kinakatawan ang mga party-list sa Kamara, marapat pa rin itaguyod ang buhay at hanay ng kabataang pag-asa ng kinabukasan.

Sa isang kalatas, nagpahayag ng pagpapatuloy ng suporta sa mga programang naglalayong protektahan, hubugin at kilalanin ang sektor ng kabataan, ang Buhay party-list na itinatag ng dating Manila Mayor Lito Atienza.

Bukod sa edukasyon, higit na kailangan anilang suportahan ang mga programang nakatuon sa sining at kultura, ani Von Valdepeñas na kumakatawan ng nasabing party-list na itinaguyod ng dating alkalde at maybahay nitong si Beng.

Kabilang naman sa mga patuloy na itinataguyod ng nasabing grupo ang Hiyas ng Maynila Dance Company na humihimok sa mga kabataan sa lungsod na pasukin na lang ang sining ng pagsasayaw kaysa malulong sa laganap na bisyo.

Pasok din sa mga pinagtutuunan ng Buhay party-list ang pamamahagi ng kabuhayan sa hanay ng kababaihan.

Pinangunahan din ng grupo ang mga patimpalak tulad ng taunang tradisyon ng Mr. and Ms. Philippine Youth, kung saan ipinamamalas ang pagiging makabayan at makabuluhan ng mga kabataan – mga katangiang kailangan ng mga susunod na henerasyon para maging huwaran sa mga bago pa lang sumisibol na henerasyon.

Kaugnay nito, binigyang pagkilala din ni Valdepeñas, kasama ang dalawa pang nominadong sina Mark Brian Paz at Xavy Padilla, si Maureen Wroblewitz na tumatayo ngayong Philippine Youth Ambassadress, na ayon sa grupo ay kumakatawan sa pag-asa, inspirasyon at determinasyong malagpasan ang anomang pagsubok sa hanay ng mga kabataan.

Pagtitiyak ni Valdepeñas, hindi limitado sa sektor na kinakatawan sa Kongreso ang mandato ng party-list. Higit na kailangan aniya ang walang bahid alinlangang suporta ng mga kabataang kanyang tinaguriang “pag-asa ng kinabukasan.”

Sa isang bukod na pahayag, sinabi naman ni Padilla – isa sa tatlong nominado – na isang maayos na gobyerno ang tanging daan para sa magandang buhay, bagay na kanila anilang isusulong sa Kamara. (RENE CRISOSTOMO)

5

Related posts

Leave a Comment