KAGAT O KALMOT NG ASO, PUSA ‘WAG BALEWALAIN

ITO ang seryosong payo ni Manila Mayor Honey Lacuna, matapos inanunsyo na dalawang bata ang namatay sa Maynila matapos mabigong maturukan ng bakuna na proteksyon laban sa rabies.

Binigyang-diin ng lady mayor ang kahalagahan ng pagpapabakuna sa mga alagang aso at pusa ng anti-rabies kada taon dahil ito ay ibinibigay nang libre kapag dinala ang mga alagang hayop sa pinakamalapit na centers o sa help desks tuwing may lingguhang “Kalinga sa Maynila” program na ginagawa sa mga barangay.

Bukod pa rito, ang bawat konsehal ng lungsod at maging ang mga kongresista, ay may sariling mga programa na nag-aalok ng libreng anti-rabies vaccination.

“Alamin lamang ninyo ang schedule at maaari din kayong magtungo sa Vitas at sa satellite office para magpabakuna nang libre,” pahayag ng alkalde.

Ang mas mahalaga kapag nakagat, ayon pa kay Lacuna, ang taong nakagat ay dapat na magpunta agad sa kahit na anong bite centers na available sa Maynila upang magpagamot na libre rin naman.

“Ang pinaka-importante ay bumalik kayo sa follow-up vaccination sa takdang araw kung kailan kayo pinababalik, lalo na kung nakagat o nakalmot kayo mula leeg pataas. ‘Wag balewalain ‘pag nakagat kayo ng aso kahit ang inyong alaga ay may bakuna na. Mas importante na ma-prevent tayo na magkaroon ng rabies dahil once nagkaroon, dire-direcho na,” giit ni Lacuna, matapos banggitin na may dalawang bata kamakailan ang nasawi dahil ‘di kaagad nabakunahan ng anti-rabies.

“Halimbawa, nakagat na kayo o nakalmot man lang, para sigurado, pabakuna kayo kaagad sa animal bite centers,” payo ng alkalde at sinabi pa nito na may walong bite centers sa Maynila, kung saan libre ang anti-rabies vaccination, bukod pa sa Sta. Ana Hospital at Ospital ng Maynila.

Ang nasabing bakuna ay sinu-supply ng Department of Health at kapag naubos na ang supply, ang city government ang nagpo-provide ng bakuna na laging ready at available.

Bawat anim na distrito ng Maynila, ayon kay Lacuna, ay may animal bite center, ito ay ang mga sumusunod: District 1- Dagupan and Tondo Foreshore Health Centers; District 2- Atang dela Rama Health Center’ District 3-San Nicolas Health Center; District 4-Earnshaw Health Center; District 5- Icasiano Health Center at District 6- Esperanza Health Center.

Ayon pa kay Lacuna, ang parehong libreng serbisyo ay makukuha rin sa loob ng Manila City Hall, ground floor, malapit sa Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), kaya naman walang dahilan para sa sinoman na nakagat o nakalmot ng aso o pusa na hindi makakuha ng tamang lunas tulad ng bakuna sa anti-rabies. (JESSE KABEL RUIZ)

 

51

Related posts

Leave a Comment