KAHANDAAN NG BANSA SA EL NINO, NAIS BUSISIIN SA SENADO

NAIS busisiin ni Senador Win Gatchalian ang kahandaan ng gobyerno laban sa El Niño phenomenon na posibleng magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.

Sinabi ng senador na mismong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr sa kanyang ikalawang State of the Nation Address ang nagpahayag ng kahalagahan ng pagtugon sa epekto ng El Niño.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA na kumikilos na ang gobyerno para labanan ito, at isa sa mga nakikitang hakbang ang pagsasagawa ng cloud seeding.

Sa kanyang Senate Resolution 691, tinukoy ni Gatchalian na posibleng mapataas ng El Niño ang antas ng kahirapan kung isasaalang-alang ang epekto sa presyo ng mga bilihin dahil sa posibilidad ng pagbaba ng produksyon ng pagkain bukod pa sa presyo ng kuryente.

“Dahil sa perwisyo ng El Niño na nararanasan na natin ngayon, maaari din nitong pataasin ang presyo ng mga bilihin tulad ng pagkain, pati na ng kuryente,” saad ni Gatchalian.

“May agarang pangangailangan na malaman ang kakayahan ng mga ahensya ng gobyerno at matukoy ang mga plano nila upang labanan ang epekto ng El Niño. Kailangang handa tayo sa posibleng masamang epekto ng El Niño sa pagkain, enerhiya, at seguridad sa ekonomiya ng bansa,” diin pa nito.

Dahil anya sa El Niño, maaaring mabawasan ang kontribusyon ng sektor ng agrikultura sa gross domestic product (GDP) ng bansa.

Batay sa mga datos, kung nagka El Niño noong 2022, maaaring mabawasan ng P57.84 bilyon hanggang P313.11 bilyon ang national GDP at P30.85 bilyon hanggang P124.31 bilyon ang GDP ng sektor ng agrikultura.

Ipinaalala ni Gatchalian na sa mga nakalipas na pagtama ng El Niño sa bansa ay naranasan ang matinding tagtuyot at kakulangan ng suplay ng tubig na lubhang nakaaapekto sa mga magsasaka.(Dang Samson-Garcia)

186

Related posts

Leave a Comment