(NI KEVIN COLLANTES)
HINDI magpapatupad ang pamahalaan ng taas-pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Philippine National Railways (PNR), sa kabila ng pagbibigay ng mga naturang train lines ng libreng sakay sa mga estudyante, simula sa Lunes, Hulyo 1.
Ito ang tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade, kasunod ng mga pangambang maaaring tumaas ang pasahe ng mga naturang rail lines upang mabawi ang kitang mawawala dito, sa gagawing pagbibigay ng free train rides sa mga estudyante.
Ayon kay Tugade, malabong mangyari na magpatupad sila ng taas-pasahe dahil kahit magbigay sila ng libreng sakay sa mga estudyante ay hindi naman aniya malulugi ang mga naturang train lines na pinatatakbo ng gobyerno.
Sinabi ng kalihim na bago ipinatupad ang programa ay pinag-aralan muna nila itong mabuti at nilimitahan rin naman nila ang oras kung kailan lamang ito maaaring i-avail ng mga mag-aaral.
Sinabi rin ni Tugade na mahal ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga estudyante kaya iniutos nito na malibre sa pamasahe upang makatipid sa kanilang gastusin.
Ayon sa DOTr, upang maka-avail ng libreng sakay ay kailangang kumuha ng ID card ng mga estudyante na libre nilang iisyu.
Magiging permanente umano ang naturang ID na maaring i-aplay online, sa pamamagitan nang pag-access sa link na tinyurl.com/y66f8nr4.
219