(NI NICK ECHEVARRIA)
PINANGUNAHAN ni P/SSupt. Rizalito Gapas ang paglulunsad ng Pasig City Anti-Motorcycle Riding Suspect Patrol (PCAMP) kaninang umaga bilang tugon sa lumalalang krimen na kinasasangkutan ng mga riding in tandem sa lungsod.
Layunin ng naturang programa na hikayatin ang pakikiisa ng motorcycle-riding public sa anti-criminality campaign ng Philippine National Police sa pamamagitan ng pinalakas na partnership para sa kaligtasan at disiplina sa mga lansangan at pagsunod sa batas trapiko at sa mga ordinansa.
Ayon kay P/INSP. Virgillo Cayetano Jr., chief ng Pasig Police Community Relations umaabot sa halos 900 individual na mga civilian at police mula sa iba’t-ibang motorcycle riders club ang nakiisa sa naturang programa para ipakita ang kanilang social responsibility bilang aksyon sa pagresolba sa walang katapusang problema sa krimen.
Inilunsad ang PCAMP sa Ampitheater, Bgy. Kapitolyo ng nabanggit na lungsod na sinimulan sa isang motorcade bandang alas-5:00 ng umaga na nagtapos sa isang boodle fight.
Bagama’t sa Pasig inilunsad ang naturang kampanya, bukas naman ito sa lahat ng mga riders club na gustong lumahok sa kanilang adbokasiya basta may endorsement mula sa kinaaaniban nilang samahan.
153