KASO NG MISSING SABUNGEROS ‘DI LULUBAYAN – PNP-CIDG

SINISIGURO ng pamunuan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na hindi nila lulubayan ang kaso ng nawawalang mga sabungero.

Ito ay makaraang matukoy ang dalawang suspek na hinihinalang sangkot sa pagkawala ng mga sabungero na nagbigay daan upang pormal nang dumulog sa Department of Justice para maghain ng reklamo ang pamilya ng nawawalang sabungero na nakuhanan ng video habang bitbit ng dalawang lalaki.

Sa imbestigasyon, pinangalanan umano ng isang testigo ang isa sa dalawang lalaki nakuhanan ng secret video habang naglalakad bitbit ang isang nakaposas na lalaki na umano’y kabilang sa nawawalang mga sabungero.

Ayon kay CIDG Director P/BGen. Ronald Lee, isa sa kanilang  prayoridad ang kontrobersyal na kaso ng nawawalang mga sabungero kaya puspusan ang paghahanap nila ng karagdagang mga  ebidensya at mga testigo na makatutulong para maresolba ang kaso.

Kamakalawa, inilabas ng CIDG ang computerized facial composite sketch ng dalawang suspek sa secret cellphone video, na sangkot sa pagdukot sa isa nawawalang mga sabungero.

Ayon kay P/BGen. Lee, isang breakthrough ito sa CIDG dahil malaking tulong ito para matukoy ang utak at mga taong nasa likod ng pagdukot sa mga sabungero.

Kaugnay nito, pupulungin ng DOJ, PNP-CIDG at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kamag-anak ng nawawalang mga sabungero upang i-update sila hinggil sa ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Una nang sinabi ng PNP-CIDG na inihahanda na nila ang kasong kidnapping laban sa dalawang suspek na nakita sa secret cellphone video, na sangkot sa pagdukot sa isang sabungero sa Laguna.

Nabatid mula kay PNP-CIDG Spokesperson Maj. Mae Ann Cunanan, isasampa nila ang naturang kaso laban sa isang alyas “Dondon” at isa pang lalaki.

Nangangalap na lamang umano sila ng karagdagang mga ebidensya laban sa dalawang suspek para maging ‘airtight’ ang isasampang kaso.

Dahil sa video, natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na positibong kinilala ng kanyang asawa at kapatid na si Michael Bautista na nawala sa isang sabungan sa Santa Cruz, Laguna noong April 28, 2021. (JESSE KABEL RUIZ)

127

Related posts

Leave a Comment