NILINAW ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Cassandra Li Ong, na pagkatapos niyang mag-imbestiga tungkol sa diumano’y pagkakasangkot ng isang Rainer Tiu sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators, o POGO, sa bansa, ay wala silang nakitang koneksiyon o link, sa pagitan ni Tiu at ang mga POGO.
Sa isang press conference noong Sabado, Setyembre 14 sa New Kamuning Bakery, Quezon City, sinabi ni Topacio na sa open sources katulad ng records ng Securities and Exchange Commission (SEC), Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), wala silang nahanap na pangalan ni Tiu sa kahit anong kompanyang may kaugnayan sa POGO.
Magugunitang si Topacio ang naglabas kamakailan ng mga larawan na kasama ni Tiu sina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta Marcos, na nagbigay-daan para si Tiu ay bansagan ng mga mamamahayag na “Pogo King”.
Sabi ni Topacio, “ang nadiskubre namin ay si Tiu ay isang realtor o nasa real estate business, at nagsusuplay din ng kalakal sa mga pangunahing department stores sa bansa, kasama na ang itlog ng pugo, ngunit hindi po POGO.”
Dagdag pa ni Topacio, “ang mga hanapbuhay ni Tiu ay puro lehitimo. Kung siya man ay kaibigan ni PBBM, hindi naman po iyon krimen.”
67