INIHAYAG ni dating Iloilo City Councilor Plaridel Nava Plaridel Nava na hindi maaaring tumakbo si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog sa anomang posisyon matapos siyang patalsikin sa puwesto ng Office of the Ombudsman na may kasamang “perpetual disqualification for public office”.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Nava na nagtungo siya sa Office of the Ombudsman sa Cebu City para kumuha ng certified copy ng kautusan na naglalaman ng perpetual disqualification dahil sa pakikialam umano ng dating alkalde sa awarding ng kontrata para sa towing service kung saan mayroon siyang interes.
Ibinahagi ni Nava na ibinasura pareho ng Court of Appeals at ng Supreme Court First Division ang apela ni Mabilog, dahil mali ang ginamit niyang remedyo para sa petition for certiorari, ang Rule 65, na ang tamang remedyo sa ilalim ng Rule 43. Dagdag pa rito, nawala na rin ang karapatan ni Mabilog na umapela dahil naghain siya ng motion for reconsideration nang lampas na sa tinatakdang panahon na 10 araw sa ilalim ng Section 8, Rule III ng Rules of Procedure ng Office of the Ombudsman.
Ipinunto rin ni Nava na wala na ring karapatan si Mabilog na iapela ang desisyon dahil walang apela na ginawa sa ilalim ng Rule 43 sa loob ng 15 araw matapos ang abiso.
Sa nangyaring ito, bawal nang tumakbo o humawak ng anomang puwesto sa pamahalaan si Mabilog, maliban na lang kung makakuha siya ng presidential absolute pardon, giit pa ni Nava.
Gagamitin ni Nava ang mga dokumento bilang paghahanda sa disqualification case na kanyang isasampa laban kay Mabilog sakaling magsumite ito ng certificate of candidacy (COC) para sa anomang posisyon sa susunod na linggo.
Sa kanyang pagharap sa House Quad Committee, ginamit na palusot ni Mabilog na napilitan siyang abandonahin ang mga Ilonggo noong 2017 at nanatili sa ibang bansa ng pitong taon matapos isangkot ni Duterte sa droga.
Kahit itinanggi ni Mabilog ang kinalaman sa ilegal na droga, plano pa rin ng Department of Justice (DOJ) na silipin ang kanyang kaugnayan dito.
Una nang pinatawan ng Office of the Ombudsman ng perpetual disqualification si Mabilog dahil sa “serious dishonesty” kaugnay ng hindi niya maipaliwanag na yaman. Ang nasabing desisyon ay binaligtad ng Court of Appeals, ngunit ito’y inapela ng Ombudsman sa Supreme Court.
73