LABIS NA POLL WATCHERS ITUTURING NA VOTE BUYING

votebuying14

IKOKONSIDERA ng Commission on Elections (Comelec) na ang labis na poll watcher ng mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ay ituring bilang vote buying.

“Dapat po isang watcher lang sa kada presinto, minsan kumukuha sila ng dalawa bilang alternate. Minsan, isa muna sa umaga, tapos magpapalit sa hapon kapag magbibilangan na,” sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia.

Paliwanag pa nito, maaaring ituring ito bilang ‘presumption’ ng vote buying at vote selling, na magreresulta sa diskwalipikasyon ng mga kandidato, o makasuhan ng election offense.

Papayagang lamang aniya ng poll body ang alternatibong poll watchers sa Oktubre 30.

Ayon kay Garcia, madali nang matukoy ang multiple watchers kada kandidato dahil sa mga ulat mula sa publiko.

“Pwedeng mai-report sa amin iyan at pwedeng gawing basehan ng pormal na kaso… kahit na report lang, kami na mismo ang nangangalap ng ebidensya,” pahayag pa ni Garcia.

Iginiit din nito na ang mga tauhan lamang ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang awtorisadong tumulong sa mga botante, hindi ang tinatawag na “watchers” ng BSK bets.

(RENE CRISOSTOMO)

233

Related posts

Leave a Comment