LALAKI PATAY SA SUNOG SA MAYNILA

0

HINDI na nakalabas nang buhay ang isang 50-anyos na lalaki nang makulong sa nasusunog na inuupahan niyang bahay nitong Biyernes ng madaling araw sa Ermita, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Jose Nonie Gregorio, residente ng Arquiza St., Ermita.

Base sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, nagsimulang sumiklab ang sunog bandang alas-1:04 ng madaling araw sa ika-2 palapag ng bahay na inuupahan ng biktima sa #443 Arquiza St., sa Ermita.

Ang nasabing paupahang bahay ay pagmamay-ari umano ni Jasmine Liwanag.

Ayon sa report ng Arson Division, umabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-2:14 ng madaling araw at tuluyang naapula bandang alas-3:06 ng madaling araw.

Ayon sa isang residente, bigla silang nakaamoy ng usok at napansin ang apoy mula sa silid ni Gregorio sa ikalawang palapag ng paupahang bahay.

Tinangka umano ng ilang residente na apulain ang sunog at iligtas ang biktima ngunit naging mabilis ang pagkalat ng apoy.

May dalawang bahay pa ang nadamay sa sunog na tinatayang aabot sa 15 pamilya ang naapektuhan.

Aabot naman sa P60,000 ang halaga ng mga ari-arian ang naabo sa sunog.

Masusing iniimbestigahan ng Arson Division ang insidente upang mabatid kung ano ang naging sanhi ng sunog. (RENE CRISOSTOMO)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment