LALAKING NAWAWALA SA SARILI TUMAWID SA KABLE NG KURYENTE

PINANINIWALAANG nawala sa katinuan ng pag-iisip kung kaya’t inakyat ng isang lalaki ang poste ng kuryente at tumawid pa sa kable nito sa lungsod ng Quezon noong Linggo ng gabi.

Nabatid sa report ng Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), sa kanto ng Scout Castor at Tomas Morato Avenue nangyari ang pag-akyat ng hindi na pinangalanang lalaki na sinasabing may problema sa pag iisip.

Una umanong nasaksihan ng guwardya na si Pepito Abejero ang biglaang pag-akyat ng lalaki sa poste ng kuryente at walang takot umanong tumawid pa sa kable.

“Nakita ko na lang siya tumatakbo. Umakyat siya roon. Inaano ko na siya para bumaba. Pero hindi ako pinakinggan, umakyat sa itaas. Andyan na mga bata, lalong natakot sa mga bata, hindi na umalis sa itaas,” sambit ni Abejero.

May punto pa umanong humihinto ang lalaki habang pinipigilan ng mga tao sa ginagawa nitong pagtawid sa kable.

Matapos ang mahigit dalawampung minuto ay dumating ang mga pulis at maging ang rescuers ng Barangay upang sagipin ang lalaki ngunit sa huling pagkakataon ay lumambitin pa ito sa wire.

Bago nagawang ma-rescue ang lalaki ay nakatawid sa isa pang poste ang lalaki, doon na naglagay ng hagdan ang mga pulis para malapitan siyang makausap.

Mag-aalas-onse na ng gabi nang mailigtas ang lalaki na kusang bumaba sa poste.

Paliwanag ng lalaki, may nagbabanta umano sa kanya at pinagbibintangan siya kung kayat umakyat siya sa poste.

Dinala agad sa ospital para masuri ang lalaki na masuwerteng hindi nakuryente dahil sinasabing matagal nang hindi ginagamit ang nasabing poste. (JG TUMBADO)

 

214

Related posts

Leave a Comment