HINILING ng chair ng House committee on good government and public accountability sa Department of Justice (DOJ) na mag-isyu ng lookout bulletin laban sa pitong opisyales ng Office of the Vice President (OVP).
Ginawa ni Manila Rep. Joel Chua, chair ng komite, ang kahilingan matapos isyuhan ng subpoena sina OVP Chief of Staff Zuleika Lopez; Assistant Chief of Staff and Bids and Awards Committee Chair Lemuel Ortonio; Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez; Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta; and Chief Accountant Julieta Villadelrey.
Kasama din sa mga ipinalalagay sa lookout bulletin sina dating Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda at SDO Edward Fajarda na ngayon ay nagtatrabaho na umano sa OVP.
Ayon kay Chua, nakatanggap umano ito ng impormasyon na naghahanda ang mga nabanggit para umalis ng bansa kaya agad na sumulat ito kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na ilagay ang mga ito sa lookout bulletin.
“Considering these developments, I earnestly request your office to issue a Lookout Bulletin Order against these personalities.This action is imperative to monitor their movements and prevent any potential attempt to flee the country, which could significantly hinder our investigation and broader efforts to uphold the integrity of public service,” ani Chua.
Kasama ang nabanggit na opisyales sa iniimbestigahan ng komite hinggil sa “mismanage” umano ng confidential and intelligence funds (CIF) ni Vice President Sara Duterte noong 2022 at 2023, hindi lamang sa OVP kundi maging sa DepEd na dati nitong pinamumunuan.
Dalawang beses hindi dinaluhan ng mga nabanggit na opisyales ang pagdinig ng komite dahil wala umanong malinaw na panukalang batas na pinagbabasehan sa nasabing imbestigasyon kaya inisyuhan na ang mga ito ng subpoena.
Sa susunod na pagdinig, maaaring ma-cite in contempt na ang mga ito at maisyuhan ng arrest warrant kapag hindi ulit nakadalo.
Samantala, hindi naman ikinagulat ng liderato ng Kamara ang pagbulusok ng trust at performance rating ni Duterte dahil hindi nito sinasagot at ipinaliwanag kung papaano nito ginamit ang kanyang CIF. (BERNARD TAGUINOD)
44