MAAGANG BIYAHE NG LRT2 PINAG-AARALAN

lrt2a

(NI KEVIN COLLANTES)

TINIYAK ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mas mapaaga pa ang biyahe ng mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Ayon kay LRTA spokesperson Atty. Hernando Cabrera, pinagsusumikapan nilang mai-adjust ng mula alas-5:00 ng madaling araw ang unang biyahe ng kanilang mga tren, mula sa kasalukuyang first trip nito na alas-6:00 ng umaga, upang mas maraming pasaherong mapagsilbihan.

Target din aniya nilang sa mga susunod na araw ay mapalawak pa hanggang sa Anonas Station ang kanilang partial operation.

Matatandaang noong nakaraang linggo, nasunog ang rectifier ng LRT-2 sa Katipunan, Quezon City, sanhi upang masuspinde ng limang araw ang biyahe ng mga tren nito dahil sa kawalan ng suplay ng kuryente.

Nitong Martes lamang nakapagpatupad ng partial operation ang LRT-2  mula Recto Station sa Maynila hanggang sa Cubao Station sa Quezon City, ngunit mas tanghali ito o mula alas-6:00 ng umaga lamang at mas maaga rin ang last trip nito na 8:30 at 9:00 ng gabi lamang sa Recto at Cubao Stations.

Mas kakaunti rin ang mga bumibiyaheng tren dahil sa isyu sa suplay ng kuryente, at mas pinabagal pa ang takbo nito.

Hindi pa naman operational ang tatlo pang istasyon ng LRT-2, kabilang ang Anonas, Katipunan at Santolan sa Pasig City, na siyang pinaka-naapektuhan ng sunog, at posibleng abutin ng hanggang siyam na buwan ang pagkukumpuni rito.

Kaugnay nito, tiniyak ni Cabrera na tuloy pa rin naman ang isinasagawang imbestigasyon ng LRTA sa insidente ng sunog.

Sinabi ni Cabrera na kahapon ay sinimulan na nila ang detalyadong assessment sa lawak ng pinsala ng sunog, matapos na bigyan na sila ng clearance ng Bureau of Fire Protection (BFP) para inspeksiyunin ang rectifier substation.

Tiniyak naman ng LRTA na lahat ng anggulo ay titingnan nila, kabilang ang posibilidad na kidlat at equipment failure ang dahilan ng pagsiklab ng apoy.

Una nang isinaisantabi ng LRTA ang anggulong may kinalaman sa arson o terorismo ang sunog.

 

104

Related posts

Leave a Comment