IIMBITAHAN ng House Quad Comm si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog para magbigay linaw sa kanya umanong kinalaman sa ilegal na droga, batay sa akusasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iniimbestigahan ng Quad Committee, na binubuo ng House committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts, ang umano’y pagkakaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), illegal drugs, money laundering, at extrajudicial killings (EJKs) sa panahon ng Duterte administration.
Inabandona ni Mabilog ang kanyang mga nasasakupan at umalis ng bansa noong 2017 matapos isama ni Duterte sa drug watch list at inakusahang protektor ng mga sindikato ng droga sa Iloilo City.
Tinawag din ni Duterte ang Iloilo City na “most shabulized” na siyudad sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni Mabilog.
Ngayong wala na sa puwesto si Duterte, nagpasya si Mabilog na bumalik sa bansa bitbit ang pag-asa ng patas na pagtrato mula sa kasalukuyang gobyerno. Ngunit hindi pa lusot si Mabilog dahil plano ng Department of Justice (DOJ) na gisahin siya tungkol sa kanyang kinalaman sa ilegal na droga.
“I think it’s just right that we ask him these questions about his being in the drugs watch list and to give his side on it,” wika ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Bukod sa umano’y kinalaman sa ilegal na droga, nahaharap din si Mabilog sa kasong graft sa Sandiganbayan ukol sa kanyang pakikialam sa pag-award ng kontrata sa isang towing service company na mayroon siyang interes.
Habang nasa ibang bansa, pinatalsik si Mabilog sa pwesto ng Office of the Ombudsman matapos mapatunayang guilty sa “serious dishonesty” kaugnay ng ilegal na yaman.
Una nang sinabi ni Remulla na nagbalik si Mabilog sa bansa para bawiin ang dating puwesto, dahil bumalik ito tatlong linggo bago ang paghahain ng certificates of candidacy para sa 2025 national at local elections.
46