MADULAS SI ROQUE – BARBERS

HINDI pa rin naaaresto si Atty. Harry Roque sa kabila ng paghahanap ng pinagsamang pwersa ng Philippine National Police (PNP) at House Sgt-At-Arms.

Ayon ito kay House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers na siyang lead chairman ng Quad committee na nag-iimbestiga sa koneksyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), illegal drug trades at extra-judicial killings (EJK).

“Hanggang ngayon walang feedback sa PNP at House Sgt-at-arms,” ani Barbers ukol sa paghahanap kay Roque na sinimulang hanapin para arestuhin noong Biyernes matapos ma-cite in contempt noong Huwebes.

Sinabi naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na itinuturing nang pugante si Roque …”kasi hindi mahanap ng Sgt-at-arms. We’ve been looking for him for the past three days so he’s into hiding”.

Sa Huwebes ay ipagpapatuloy ng Quad comm ang imbestigasyon sa nasabing mga isyu at walang itinakdang panahon kung kailan ito matatapos dahil habang tumatagal ay marami umanong lihim na natutuklasan.

Ayon kay Pimentel, kapag hindi nagpakita si Roque ay mapipilitan umano ang Quad comm na mag-request sa Bureau of Immigration (BI) na maglabas ng hold departure order (HDO) laban dito.

Nadamay si Roque sa imbestigasyon matapos samahan ang kanyang kliyenteng si Cassandra Li Ong sa Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) noong Hulyo para ayusin ang problema ng Lucky South 99.

Lalong naging interesado ang komite kay Roque dahil sa biglang paglobo ng kanyang yaman noong 2018 subalit idinepensa ng dating spokesman ng administrasyong Duterte na galing ang kanyang pera sa ibinentang lupa sa Parañaque City. Upang patunayan ito ay nangako siyang isusumite ang mga dokumento ng bentahan subalit hindi niya ito tinupad. (BERNARD TAGUINOD)

48

Related posts

Leave a Comment