TINATAYANG kalahating kilo ng umano’y shabu na may street value na P3.4 milyon, ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa mag-amang Chinoy sa isinagawang anti-narcotics operation sa Malolos City sa Bulacan.
Ayon sa ulat na natanggap ni PDEA Director General Moro Vergilio Lazo mula sa PDEA Regional Office 3, isang Chinese national kasama ang kanyang anak na Pilipino, ang nakumpiskahan ng tinatayang kalahating kilo ng shabu.
Kasunod ito ng inilatag na buy-bust operation ng mga operatiba sa Pleasant Village, Barangay San Pablo noong Martes ng hapon, ayon sa PDEA.
Kapwa nahaharap ang mag-ama sa kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) in relation to Section 26B (conspiracy to sell) ng Republic Act 9165.
Kinilala ni PDEA Director General Lazo ang mag-amang mga suspek na sina Anthony Chua y Dy, at Jay Vie Cai y Bellen, kapwa residente San Pablo, Malolos City, Bulacan.
(JESSE KABEL RUIZ)
