ARESTADO ang isang delivery boy matapos mabuking ng kanyang live-in partner ang lihim na relasyon nito sa kanyang anak sa Brgy. Santolan, Pasig City.
Arestado ang suspek na si Mike Bernardez y Vasquez, 39, water delivery boy, matapos ireklamo ng kanyang live-in partner na si Rovelinda Dela Cruz, 39, sa Pasig City Police Station nitong Martes ng gabi.
Sa naantalang sumbong sa Pasig CPS, nadiskubre umano ni Rovelinda ang namamagitang relasyon ng kanyang 15-anyos na dalagitang anak at ng kanyang live-in partner nitong Pebrero 6.
Napansin umano ng ginang na umalis sa kanilang bahay sa San Antonio St., Marisol Subd. sa nasabing barangay ang kanyang anak pagkagat ng dilim noong Pebrero 6 kaya nagpatulong siya sa kanyang kinakasamang si Bernardez para hanapin ito.
Lingid sa kanyang kaalaman ay hinihintay pala ng kanyang anak ang kanyang live-in partner na suspek para sunduin ito at ilayo.
Nang makita ang hinahanap na anak napansin umano ni Rovelinda ang kakaibang closeness ng kanyang kinakasama at ng dalagita.
Dahil natatakot sa maaari niyang matuklasan, tinawag niya ang kanyang hipag at pinakiusapan na komprontahin ang kanyang anak.
Sa gitna ng usapan, inamin ng dalagita ang lihim na relasyon nila ng kanyang stepfather na nangako umanong mas pipiliin siyang pakisamahan kaysa ang ina.
Bunsod nito, ipinaaresto ng ginang ang suspek at sinampahan ng kasong qualified seduction at child abuse. (NICK ECHEVARRIA)
230