MAKATI DINAGSA NG REKLAMO SA SCHOOL SUPPLIES

DINAGSA ng reklamo ang Makati dahil sa mga palpak umanong school supplies na ipinamahagi nito sa mga estudyante.

Ayon sa mga magulang na naglahad ng kanilang saloobin sa social media, hindi na kasya sa kanilang mga anak ang mga polo, shorts at sapatos na ipinamahagi ng lokal na pamahalaan para sa pasukan.

Matatandaang sinabi ni Makati Mayor Abby Binay na “annual tradition” ang pamamahagi ng mga nasabing school supply sa mga estudyante sa Makati.

Sinabi pa nito na pati ang mga estudyante sa mga eskwelahan na sakop ng 10 EMBO barangays na inilipat na sa hurisdiksyon ng Taguig ay makatatanggap ng mga ganitong supply upang masiguradong handa sila sa pasukan.

Ngunit reklamo ng ilang magulang, dapat may naganap na pagsusukat man lang bago nagsimula ang klase upang masigurado na magagamit ang mga damit at sapatos.

“Hindi lahat nabibili ng pinakamayaman na siyudad. Katulad na lang ng competence. Ganito ba ang alagang makati?,” galit na sinabi ng isa.

“#Ganito kami sa Makati,” pabirong sinabi ng ilang Makatizens na miyembro ng ilang FB groups sa lungsod.

Iisa ang naging konklusyon ng marami dahil sa insidente: Hindi na kataka-taka ang naging desisyon ng Korte Suprema na ilipat sa hurisdiksyon ng Taguig ang nasabing EMBO barangays.

“Mayora Abby, hindi na kami nagtataka na natalo tayo sa kaso. Eh, hindi nga kayo marunong magsukat ng uniforms at sapatos, mag-panalo pa kaya ng kaso!'” nanggagalaiti na sinabi ng isa.

Dahil sa kawalan pa ng agarang aksyon ng Makati ay ang mga magulang pa mismo ang gumawa ng paraan upang maisaayos ang malaking bulilyaso ng siyudad. Nagtrending sa social media ang hashtag na #Swap dahil sa dami ng mga magulang na naghahanap ng makakapalitan ng mga uniporme at sapatos para sa kanilang mga anak.

May ilan pa na nag-offer na lang na bayaran ang mga dapat sana’y libreng gamit mula sa Makati, makakuha lamang ng damit at sapatos na tama ang sukat.

“Sana pwede ring i-swap ang EMBO barangays! Wish lang ni Mayora Abby,” galit na sinabi ng isang magulang.

(JESSE KABEL RUIZ)

149

Related posts

Leave a Comment