MANDATORY ROTC DAGDAG BAGAHE SA ESTUDYANTE

HINDI na umano magkakaroon ng ‘makabayang’ pag-iisip ang mga kabataang estudyante kapag tuluyang naging batas ang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) na sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang urgent bill.

Ang nasabing panukala ay pinagtibay na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong December 2019 at kasalukuyang pending sa Senado subalit dahil sa sertipikasyon ni Marcos, magiging priority bill na ito sa Mataas na Kapulungan.

Tulad ng inaasahan, hindi nagustuhan ng Makabayan bloc sa Kamara ang pagsertipika ni Marcos bilang urgent bill dahil dagdag na bagahe umano ito sa mga mag-aaral sa pribado at pampublikong paaralan.

“Sapilitan nitong ipapasailalim ang milyon-milyon na mag-aaral sa militar na pagsasanay na batid ng mga mamamayan na hindi pagkamakabayan, bagkus ay bulag na pagsunod ang ikikintal,” ani House deputy minority leader France Castro.

Sinabi ng mambabatas kung ngayon ay hirap na hirap ang mga estudyante lalo na sa mga pampublikong paaralan, inaasahan na madagdagan pa ang kanilang paghihirap dahil hindi aniya libre ang ROTC.

Ang masakit umano dito, matapos huthutan aniya ang mga estudyante at pamilya ng mga ito sa paraan ng pangongolekta ng matrikula ay tataniman pa umano ang mamamayan ng kultura ng karahasan, impunity na nakikita umano ngayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

“Sa esensya, panghihimasukan ng estado, gamit ang mga armadong puwersa nito, ang mga paaralan upang tiyaking kontrolado nila ang naratibo sa lahat ng mga usapin. Sasagkaan nito ang kalayaang pang-akademikong dapat na natatamasa ng mga mamamayan upang tumuklas ng kaalaman nang walang balakid at alinlangan,” ayon pa kay Castro.

Gagamitin din aniya ng estado ang mga guro upang maging mersenaryo na lihis umano ng orientation sa tunay na kahalagahan ng edukasyon lalo na’t papasukin na ng estado umano ang mga paaralan sa bansa.

“Malaking banta ang Mandatory ROTC sa pagkakamit natin ng layunin na magkaroon ng makabayan, siyentipiko, at makamasang sistemang pang-edukasyon.

Sa katunayan, aktibong babansutin ng MROTC ang pagkatuto sa loob ng mga paaralan. Pananatilihin at paiigtingin lamang nito ang mga katangiang kolonyal, komersyalisado, represibo, at elitista ng kasalukuyang sistemang pang-edukasyon,” dagdag pa ni Castro. (BERNARD TAGUINOD)

71

Related posts

Leave a Comment