(NI KEVIN COLLANTES)
SINIMULAN ng Philippine Red Cross (PRC), Sabado ng umaga, ang pagdaraos ng inilunsad na mass vaccination drive sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay PRC chair Senador Richard Gordon, sa Corazon Aquino Health Center isinagawa ang pagbabakuna sa mga batang anim na buwang gulang hanggang limang taong gulang lamang.
Paliwanag ni Gordon, una silang nagsagawa nang pagbabakuna sa Maynila dahil ito ang itinuturing na hotspot ng outbreak.
Plano rin aniya nilang gawin na ito ng regular upang makaagapay sa pagbabakuna, lalo na at malaki aniya ang immunization gap na kailangang habulin.
Upang maging mas epektibo naman ang kampanya laban sa tigdas, ay 12 health teams na rin ng PRC, na binubuo ng volunteer doctors, nurses, health worker, recorder, logistics assistant, community mobilize, at mga estudyante, ang nagbabahay-bahay upang magbakuna.
Nanawagan din si Gordon sa iba’t ibang organisasyon sa bansa, pribado man o pampubliko, na magtulung-tulong upang mapigilan ang pagkalat pa ng sakit.
“Una kaming nag-mass vaccination dito sa Manila dahil ito ang hotspot ng outbreak. Maganda na nagtutulong ang iba’t ibang organization para mapigilan pa natin ang pagdami ng cases,” ani Gordon.
Una nang nakipagtulungan ang PRC sa Department of Health (DoH) at nagtayo ng mga tent na gagamiting measles care unit sa iba’t ibang pagamutan.
Unang naglagay ng mga tents sa San Lazaro Hospital, sumunod sa Quirino Hospital, at mga pagamutan sa Cainta, Rizal at Marikina.
Sinabi ni Gordon na sa mga naturang tent idinidiretso ang mga pasyenteng hinihinalang may tigdas, sakaling puno ng mga pasyente ang mga pasalidad ng mga pagamutan.
Tiniyak naman ni Gordon na kumpleto rin sa mga kagamitan ang mga tent para agad na matugunan ang kalagayan ng mga ito.
125