Mayor Guo kay Senator Win: PATUNAYAN MO AKUSASYON MO

MARIING itinanggi ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang mga alegasyon ni Senador Win Gatchalian tungkol sa kanyang citizenship.

Ayon sa alkalde, wala siyang alam at kinalaman sa mga dokumentong ipinakita ng senador na diumano ay galing sa Board of Investments at Bureau of Immigration.

Ayon kay Mayor Guo, ang kanyang tunay na ina ay si Amelia Leal at ang kanyang totoong pangalan ay Alice Leal Guo na nakasaad sa kanyang birth certificate at hindi Guo Hua Ping na ibinibintang ni Gatchalian.

Idinagdag pa ni Guo na mayroon siyang Philippine passport na inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pagpapatunay lamang na siya ay isang Pilipino. Aniya, mayroon din siyang mga negosyo, personal properties, at lupa sa Pilipinas gayundin, nagbabayad siya ng buwis.

Sinabi pa nito na tumakbo at nanalo siya bilang alkalde sa Bamban, Tarlac, dahil siya ay isang lehitimong residente at walang dudang Pilipino.

“Kung ako ay isang Chinese citizen, bakit pa kailangang kumuha ako ng Chinese visa tuwing bibisita sa China?” pahayag ni Mayor Guo.

Binigyang-diin din ni Mayor Guo na bagamat walang direktang probisyon sa batas na nagsasaad na ang isang tao ay awtomatikong mamamayan ng bansang kanyang tinitirhan, may mga mekanismo upang maiwasan ang statelessness.

Ang Constitution ng Pilipinas at mga batas nito ay nagbibigay-diin sa pagkakaroon ng nationality base sa jus sanguinis at iba pang mga probisyon para sa pagkilala sa pagka-Pilipino.

Ipinaliwanag ng alkalde na naniniwala siya na mananaig ang hustisya at ang paninindigan ng kanyang pagka-Pilipino sa kabila ng mga pagdududa ng kanyang mga kritiko.

“Welcome sa akin ang mga proceedings sa proper forum na nag-challenge sa aking citizenship at handa akong harapin ito,” giit pa ni Mayor Guo.

Sa kabila ng mga alegasyon laban sa kanya, sinabi ni Guo na nagpapaabot siya ng pasasalamat sa mga residente ng Bamban na patuloy ang suporta sa kanyang liderato at patuloy na pagpapakita ng kanilang malasakit sa kanyang kinahaharap na laban. Aniya, makakaasa ang kanyang nasasakupan ng kanyang dedikasyon at paglilingkod na may integridad at pagsusumikap.

73

Related posts

Leave a Comment