METRO ‘DI KAYANG LINISIN NG 2 BUWAN 

dilg44

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI naniniwala ang isang mambabatas sa Kamara na kaya ng mga mayor linisin ang lahat ng kalsada sa kanilang lugar sa loob ng 60 araw na nakatakdang matapos sa Setyembre 27.

Sa press conference ng Minority bloc nitong Miyerkoles, sinabi ni Marikina Rep. Bayani Fernando na kung pabalik-balik ang mga vendors sa mga kalsada pagtalikod ng mga operatiba ay malamang na hindi malilinis ang lahat ng kalsada sa susunod na isang buwan.

“Kung tulad ng sabi niyo balik nang balik ang mga vendors, talagang hindi kakayanin,” ani Fernando na dating chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

SIRAIN SA HARAP NILA ANG MGA MAKUKUMPISKA

Dahil dito, iminungkahi ni Fernando sa mga LGUs o sa mga mayor na sirain ang mga makukumpiskang paninda ng mga vendors na matitigas umano ang ulo upang madala ang mga ito.

“Kasi hindi mo kinuha yung binabalik eh. Kunin mo. Kuha nang kuha hanggang sa maubos. Wala kang magagawa dun kundi ganun eh.
Yun namang tao hindi naman maglalagay sa bangketa ng hindi niya kayang ipanakaw, ibig sabihin basura na yun. Ang ilalagay lang dun yung walang halaga pero nanghihinayang siya,” ani Fernando.

May batas aniya na ipinasa umano nila noong chairman pa ito ng MMDA kung saan idineklara na lahat ng mga goods sa mga sidewalks ay ikinokonsidera nila na “common garbage’.

“Considered common garbage– basura, ang lahat ng nasa bangketa. Kukunin ng gobyerno yan at itatapon.
Ngayon ang policy ko naman dun sa mga operatives sisirain mo sa harap nung me may-ari para sa ganun mawalan ng halaga,” ayon pa sa mambabatas.

Binigyan din ng mambabatas ng ideya ang Metro Manila Mayors kung ano ang dapat gawin ng mga ito upang madala ang nagtatayo ng sobra kanilang straktura sa pamamagitan ng pagpapayanig sa kanilang bahay o gusali tulad ng ginawa nito noong mayor ito ng Marikina City.

“Nung araw yung mga konkreto na lagpas sa mga bangketa, meron ako talagang pandurog, backhoe, mayayanig pati bahay mo. May instruction ako sa nagdudurog nun na dapat mayanig ng konti yung bahay, para madala huwag nyang malimutan yun. Para wag umulit. Hindi naman para pabagsakin mo yung bahay nya,” ani Fernando.

134

Related posts

Leave a Comment