MGA LUMUBOG NA OIL TANKER POSIBLENG SANGKOT SA ‘PAIHI’ – TULFO

NAIS ni ACT-CIS Representative at Deputy Majority Floor Leader Erwin Tulfo na silipin din ng Department of Justice (DOJ) ang anggulo na ang mga lumubog na oil tanker noong kasagsagan ng Bagyong Carina at Habagat ay maaaring sangkot sa “paihi” ng langis.

Maging si Justice Secretary Crispin Remulla ay naniniwala na magkakasama ang tatlong lumubog na barko sa isang ilegal na gawain.

Ani Remulla, hindi aksidente kundi krimen ang nagawa ng mga nasabing kumpanya ng barko matapos itong makipagpulong sa mga opisyal ng Philippine Coast Guard.

Ayon pa kay Cong. Tulfo, “matagal nang gawain itong “paihi” sa lugar na yan para makaiwas sa pagbabayad ng buwis sa Bureau of Customs (BOC) ang ilang tusong oil importers”.

“Habang naka-angkla sa laot at malayo sa mata ng mga otoridad ang mga oil tanker galing sa ibang bansa, tatabihan ng mga local oil tankers natin, tulad ng mga lumubog na barko na yan, para ilipat ang kargang langis sa kanila,” paliwanag ni Cong. Tulfo.

Kapag na-load na aniya ang mga imported na langis sa maliliit na tanker, diretso na ito sa iba’t ibang pier sa bansa at libre na sa pagbayad ng buwis sa BOC.

Matatandaan na magkasunod na lumubog ang motor tankers na MT Terranova at MT Jayson Bradley sa Limay at Mariveles, Bataan noong kasagsagan ng habagat noong Hulyo. Pagkalipas ng ilang araw ang MV Mirola 1 naman sumadsad sa Mariveles, Bataan.

Ayon pa kay Tulfo, “bakit hindi sila sumilong muna gayong masama na ang panahon….kasi nga marahil ilegal ang kanilang karga”.

“At kung mapatunayan ng mga otoridad na ilegal ang kanilang lakad nang lumubog ang mga barko, kasuhan at ikulong ang lahat ng sangkot dyana” pahayag ng mambabatas.

Aniya, marami na naman ang mawawalan ng hanapbuhay at milyon-milyon ang gagastahin ng pamahalaan sa clean-up operation dahil sa oil spill.

88

Related posts

Leave a Comment