MGA PANUKALA PARA SA PANGANGALAGA SA SENIOR CITIZEN, ISINUSULONG SA KAMARA

ISINUSULONG sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ilan pang panukala na naglalayong mapaigting ang pangangalaga sa mga senior citizen.

Inihain nina Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes at Laguna 3rd District Rep. Loreto Amante ang House Bill 10739 o ang proposed Magna Carta of Senior Citizens.

Paliwanag ng dalawang mambabatas, layon ng kanilang panukala na mas maging malinaw ang mga karapatan, pribilehiyo at pagbibigay proteksyon sa mga Pilipino na nasa edad 60 pataas.

Ayon kay Ordanes, mangangahulugan ito ng mas magandang serbisyong pangkalusugan, karagdagang social protection benefits at ibayong suporta sa patuloy na pakikibahagi ng senior citizens sa kanilang komunidad.

Nabanggit ng mambabatas na base sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2022, ang bilang ng senior citizens ay 8.5% ng kabuuang populasyon sa bansa.

Samantala, naghain din ng panukala si Ordanes para naman sa mga programa at benepisyo ng mga nagbabalik-bansa na senior overseas Filipino workers (OFWs).

Sa inihain niyang House Bill No. 10705 , nais nito na mapabilang ang pagbibigay ng social protection sa OFWs na nasa edad 60 pataas alinsunod na rin sa Philippine Development Plan 2023 – 2028.

Dapat aniya magkaroon ng komprehensibong programa para sa returning senior OFWs kasama na ang pagbibigay sa kanila ng health at economic assistance. Pagkilala na ito aniya sa napakalaking naiambag nila sa ekonomiya ng bansa ng maraming taon.

86

Related posts

Leave a Comment