INAKUSAHAN ng ilang mambabatas sa Kamara si dating pangulong Rodrigo Duterte na binudol nito ang mga pulis dahil hindi umano nito tinupad ang kanyang pangakong tulong kapag sila ay kinasuhan dahil sa pagpapatupad ng war on drugs.
“Napako ang mga pangako. Puro drawing lang. Mahilig kasi sa budol-budol, pati yung mga pulis na naniwala sa kanyang pangako ay nabudol din,” pahayag ng isa sa chairman ng Quad Committee na si Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos aminin ni Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil na walang tulong na natatanggap ang mga pulis na kinasuhan dahil sa war on drugs ni Duterte.
Hindi sinabi kung ilang pulis ang may kinakaharap na kaso dahil sa war on drugs subalit hirap umano ang mga ito dahil sila ang kumukuha at nagbabayad ng sariling abogado para ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte.
Bukod sa mga ito, mistulang pinabayaan din umano ng dating pangulo ang pamilya ng may 312 pulis na namatay sa war on drugs at 974 na nasugatan dahil sa pagpapatupad ng war on drugs.
Ito umano ang nagtulak sa gobyerno para bumuo ng legal team upang tulungan ang mga pulis na ito dahil hindi tinupad ni Duterte ang kanyang pangako kaya lumakas ang kanilang loob na ipatupad ang war on drugs.
“Walk the talk. Puro daldal lang naman siya, palaging, ‘ako ang bahala sa inyo,’ pero yung pulis na nakabaril ng drug suspect pala ang kawawa,” ayon naman kay House assistant majority leader Jude Acidre.
Magugunita na laging sinasabi ni Duterte na sagot nito ang mga pulis. Muli nitong inako ang responsibilidad sa war on drugs nang humarap ito sa Senate Blue Ribbon committee.
Gayunpaman, wala umanong anomang tulong ang ibinibigay ng dating pangulo sa mga pulis na kinasuhan kaya para kay Fernandez kaya nahihirapan ang mga ito na ipagtanggol ang kanilang sarili lalo na’t marami sa mga ito ay tinanggal na rin sa serbisyo. (BERNARD TAGUINOD)
51