HANDA si Senate Committee on Public Services chairperson Grace Poe na ikasaa ang imbestigasyon sa paglubog ng passenger boat sa Laguna Lake na sakop ng Binangonan, Rizal.
Kasabay nito, hinimok ni Poe ang Philippine Coast Guard (PCG) kasama ang Maritime Industry Authority (MARINA) na huwag lamang tanggalin sa pwesto ang mga matutukoy na nagpabaya kaya nangyari ang insidente at bagkus kasuhan ang mga ito upang papanagutan ang kanilang kasalanan.
“Hindi lang dapat i-relieve o paalisin sa pwesto ang mapapatunayan na may kasalan, dapat ay kasuhan. Kasi okay lang sige tanggal tayo sa trabaho ngayon pero makakahanap tayo ng ibang trabaho na walang repercussion,” giit ni Poe.
Aminado si Poe na nakagagalit ang sitwasyon dahil maraming buhay ang nawala dahil sa kapabayaan ng iilan.
“Nakakagalit at nakakalungkot itong nangyaring ito. Hindi biro ang pagkawala ng ganung karaming buhay dahil lang sa kapabayaan o baka sa pangungurakot, kaya dapat nating alamin sa imbestigasyon,” saad ni Poe.
“Dapat mapanagot kung sinuman ang responsable sa trahedyang ito,” dagdag ng senador.
Iginiit ni Poe na dapat matukoy sa imbestigasyon kung bakit pinayagan ng PCG na pumalaot ang bangka gayung malakas pa ang hangin at ulan nang mga sandaling iyon.
Kailangan din anyang ipaliwanag ng may-ari ng bangka at ng PCG kung bakit sobra sa kapasidad ng bangka ang sakay nito at wala ring suot na life vests ang mga pasahero.
“Required ang life vest sa bawat isang pasahero na maglalayag sa tubig. Kailangan nila ito para mabigyan sila ng pagkakataong maisalba ang sarili nila,” diin ni Poe.
Sinabi ng mambabatas na isasama rin sa imbestigasyon ang iba pang nakalipas na trahedya sa dagat upang malaman ang update sa kanilang mga kaso.(Dang Samson-Garcia)
159