Minomonitor na ng PNP LOOSE FIREARMS BINEBENTA RIN ONLINE

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na imbestigahan ang nadiskubreng modus na online selling ng loose firearms.

Ito ay kasunod ng pagkakadiskubre sa paunang imbestigasyon na libo-libong piyesa o bahagi ng high powered firearms at mga bala na na-recover sa isang bodega sa Bulacan, ang pinagbubuo-buo muli para ibenta sa private armed groups at maging sa pamamagitan ng online platforms.

Ayon sa pagsisiyasat, ang disassembled parts ay police- and military-issued items na hindi maayos na na-dispose.

“In our aggressive campaign against loose firearms as part of the early security preparations for the 2022 elections, we are not discounting the possibility that some gunrunning syndicates are using the online platforms for their illegal activities,” ani P/Gen. Eleazar.

Samantala, inihayag ni PNP-National Capital Region Police Office Director P/Major General Vicente Danao Jr. na-inquest na nitong Linggo ang anim na suspek na nahuling ilegal na nagbebenta ng mga baril at spare parts ng baril sa Bulacan.

Magugunitang sinalakay ng mga pulis at militar ang isang warehouse sa Sta. Maria, Bulacan na puno ng mga baril at spare parts nito.

Ayon sa kay P/MGen. Danao, ang nasabat na mga baril at spare parts ng baril ay hindi na dapat binebenta dahil “for disposal” na ang mga ito.

Tsina-chop-chop umano ng mga suspek at titingnan kung anong mga parte pa ng mga baril ang pwede pang pakinabangan at i-assemble para makabuo isang panibagong baril.

Ayon kay Danao, ang nakumpiskang mga baril ay M-16, M-14, caliber 30 at 60 na tinaguriang mga sinaunang baril, na sinubukang ayusin para magamit muli. Hindi lang umano isang ahensya ang sangkot dito, lalo na ‘yung mga nagdi-dispose na bala.

Ayon kay Danao, posible umanong gagamitin sa nalalapit na halalan ang mga armas o mapasakamay ng organized crime group, sa Maute group at Abu Sayyaf Group.

Kapag napatunayan ang mga alegasyon laban sa mga suspek, posibleng life imprisonment ang ipapataw sa kanila at non-bailable ito.

Kaugnay nito, inatasan ni P/Gen. Eleazar ang PNP Intelligence Group at ang Anti-Cybercrime group na lalong palakasin ang information-gathering at monitoring sa modus na ito. (JESSE KABEL)

91

Related posts

Leave a Comment