MOST WANTED SA MAYNILA NAARESTO SA CAINTA

NADAKIP ng mga tauhan ng Manila Police District sa Cainta, Rizal noong Biyernes ng tanghali ang isang 34-anyos na factory worker na suspek sa panggagahasa.

Kinilala ang suspek na si Jeffrey Garcia y Concepcion, ng Barangay San Juan, Valley Golf, Cainta, Rizal.

Batay sa ulat ni P/Capt. Manuel Calleja, hepe ng Intelligence and Warrant Section ng MPD – Jose Abad Santos Police Station 7, bandang 12:30 ng tanghali nang makipagkoordinasyon sila sa Cainta Police District.

Bitbit ang arrest warrant na inisyu ni Judge Ma. Celestina Mangrobang ng Manila Regional Trial Court, Branch 38, pinuntahan ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng suspek.

Ngunit namataan ng suspek ang mga pulis kaya tumakbo patungo sa loob ng kanilang bahay.

Naging mahinahon naman ang suspek nang makorner sa loob ng bahay at kusang loob na sumama sa mga operatiba ng MPD. Ang suspek na may kasong rape ay number 1 sa listahan ng wanted personalities sa MPD. (RENE CRISOSTOMO)

73

Related posts

Leave a Comment