MOTEL, HOTEL KASAMANG BABANTAYAN NG NCRPO

hotels

(NI DAVE MEDINA)

PINAHIHIGPITAN  ng Philippine National Police National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) ang seguridad sa mga lugar na katatagpuan ng mga motel at hotel ngayong Valentine’s Day.

Sa panayam kay NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, sinabi niyang hindi ipinagwawalang bahala ng kapulisan ang kaligtasan ng mamamayan laluna sa matataong lugar kagaya ng motel at hotel bunsod ng mga bomb threat, kambal na pagpapasabog sa Our Lady of Mt. Carmel sa Jolo, Sulu; pagpapasabog sa Cotabato City at sa Lalawigan ng Maguindana nitong magatatapos ang buwan ng Enero at sa unang linggo ng Pebrero.

Sinabi ng Hepe ng NCRPO na nakaalerto ang kanyang mga tauhan simula pa sa pagtatapos ng taon pero itinuluy-tuloy na nila ang pinalakas na police visibility laluna na mayroong masasamang elementong nagbabalak na maghasik ng kaguluhan at kalituhan sa sambayanan. Maaari aniyang magkaroon ng diversionary tactics ang mga terorista at samantalahin ang okasyon ng Araw ng Puso dahil maraming tao, magkakapamilya at magkasintahan na tutungo sa mga hotel at motel.

“Gusto natin i-klaro, pati schools , stores, kasali sa security check at hindi natin bina-validate ang bomb threat, just the same hindi natin pwede balewalain.  Liquid bomb meron na sa ibang bansa, hintayin pa ba natin? Hingi natin deep understanding, openmindedness sa kababayan natin sa paghihigpit sa security measures,” sabi ni Eleazar.

Nauna sa pagpapalakas ng seguridad sa mga motel at hotel ay nagrekomenda na ang PNP-NCRPO sa management ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 at Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) ng paghihigpit sa seguridad ng mga pasahero ng tatlong railways, na positibong tinugunan ng mga ito kaya ipinagbawal ang pagpapasok ng mga likido gaya ng tubig, alcohol, gatas, lotion, at maging mga gamot na syrup.

Noong Enero 3 ng kasalukuyang taon ay nakatanggap na ng bomb threat ang MRT sa  pamamagitan ng electronic mail na may mga stations na pasasabugin,  sa pagitan ng panahong natanggap ang bomb threat, nagkaroon na ng apat na beses na pagpapasabog sa Our Lady of Mt. Carmel sa Jolo, Sulu; sa Cotabato City at sa Maguindanao.

 

 

185

Related posts

Leave a Comment