MRT-3 TIGIL-BIYAHE; SUPPLY NG KURYENTE KINAPOS

(NI KEVIN COLLANTES/PHOTO BY LUCAS LUKE)

NAGSUSPINDE ng biyahe ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Biyernes ng umaga dahil sa kawalan ng sapat na suplay ng kuryente bunsod na rin ng naputol na kable, sanhi upang mapilitan ang commuters na humanap na lamang ng alternatibong masasakyan upang makarating sa kani-kanilang destinasyon.

Sa inisyung paabiso ng Department of Transportation (DOTr), dakong alas-6:17 ng umaga nang maputol ang Overhead Catenary System ng MRT-3 sa northbound ng Guadalupe Station, sa area ng Makati City.

Pagsapit ng 6:42 ng umaga ay tuluyan nang nagsuspinde ng biyahe ang mga tren dahil hindi umano sapat ang suplay ng kuryenteng dumadaloy sa kanilang linya.

“Operations of the MRT-3 was suspended at 6:42AM today due to a cable of the Overhead Catenary System (OCS) being cut at Guadalupe Station (NB), which caused insufficient power supply from Shaw Boulevard to Santolan,” paabiso ng DOTr-MRT3.

Kaagad namang nag-deploy ng mga manggagawa sa lugar ang DOTr upang kumpunihin ang nasirang kable .

Nagpakalat din sila ng mga karagdagang bus upang maghatid ng kanilang mga pasahero patungo sa kanilang destinasyon, habang ang iba naman ay humanap na lamang ng alternatibong transportasyon upang makarating sa kanilang patutunguhan.

Pagsapit ng 9:45 ng umaga ay nakapagpatupad na ang MRT-3 ng provisional service o limitadong biyahe sa pagitan ng North Avenue at Shaw Boulevard Station at pabalik.

 

181

Related posts

Leave a Comment