MRT3 TUMIRIK; DAAN-DAANG PASAHERO NAPERWISYO

mrt3

(NI KEVIN COLLANTES)

MAY 450 pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang naperwisyo at napilitang bumaba nang tumirik ang sinasakyan nilang tren sa Quezon City Miiyerkoles ng tanghali.

Batay sa inilabas na paabiso ng Department of Transportation (DOTr), dakong alas-12:48 ng tanghali nang magkaroon ng electrical failure sa motor dahil sa mga lumang piyesa, ang naturang tren sa southbound area ng Quezon Avenue station, kaya’t kinailangang pababain ang mga pasahero nito.

Inabot naman ng 14 na minuto o dakong 1:06 ng hapon, bago nakasakay muli sa kasunod na tren ang mga pasahero at naihatid sa kani-kanilang destinasyon.

Ang nagkadiperensiya namang tren ay hinatak pabalik sa train depot sa North Avenue, Quezon City upang isailalim sa pagkukumpuni.

Kaagad rin namang humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 sa mga apektadong pasahero.

Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nag-uugnay sa North Avenue, Quezon City patungo ng Taft Avenue, Pasay City at pabalik.

117

Related posts

Leave a Comment