HAHANAPIN umano ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga nagpatakas o tumulong kay Alice Guo para makaalis sa bansa sa kabila ng kanyang arrest warrant at mga kasong kinakaharap sa Department of Justice (DOJ).
Ito ang tiniyak ng liderato ng Kamara kung saan iminungkahi na isama ang usaping ito sa imbestigasyon ng Quad-Committee sa illegal drug trades, Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at Extrajudicial killings.
“Siyempre hindi makaalis ‘yan kung wala siyang nilangisan sa ating pamahalaan lalong lalo na sa Bureau of Immigration. Hindi puwedeng hindi alam ng BI dahil sila nagbabantay airport at port natin,” ani Zambales Rep. Jay Khonghun sa press conference kahapon sa Kamara.
Nais din ng kongresista na ipatawag ang mga abogado ni Guo kasama na ang nagnotaryo sa kanyang sagot sa kasong nakasampa sa kanya sa DOJ para pagpaliwanagin at alamin kung tinulungan nila ang sinibak na mayor ng Bamban, Tarlac.
“Kailangan ding maipatawag (ang mga abogado ni Guo) at sagutin nila kung ano ang kanilang mga contribution lalong lalo na sa pag-alis o pagkatakas ni Alice Guo,” pahayag ni Khonghun.
Unang isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros na nakaalis na sa bansa si Guo noong July 18, 2024 patungong Malaysia pagtapos ay pumunta ito sa Singapore kung saan kinatagpo nito ang kanyang mga magulang at Cassandra Ong na idinadawit sa sinalakay na POGO sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Khonghun, hindi kaya ni Guo na umalis ng bansa na “walang tulong sa mga tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration” kaya dapat alamin aniya kung sinu-sino ang mga ito para mapanagot sa batas.
Ganito rin ang mungkahi ni Manila Rep. Joel Chua na nagbantang maapektuhan ang budget ng BI kung hindi makikipagtulungan ang mga ito para malaman kung sino umano sa kanya ang nagpatakas kay Guo.
“Sinong mga kawani sa airport at immigration ang hindi nag-isip, o baluktot ang isip na hinayaang makatakas si Alice Guo? Bakit nagamit pa rin niya ang kanyang Philippine passport para makatakas? Iyan ang mga tanong ng taumbayan,” ani Chua.
Ayon naman kay Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, dapat na aniyang hingin ng gobyerno ng Pilipinas ang tulong ng International Police (Interpol) para matukoy kung saan nagtatago ngayon si Guo at maibalik ito sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ng mambabatas na pagkatapos makipagkita si Guo sa kanyang mga magulang sa Singapore ay wala nang nakakaalam kung saan ito nagtungo bagama’t sa report ng Senado ay bumalik na ang mga ito sa China. (BERNARD TAGUINOD)
61