Nagsumite ng pekeng RT-PCR test result 3 POLICE APPLICANTS INARESTO

DISKWALIPIKADO na inaresto pa at kinasuhan ng pamunuan ng Philippine National Police ang tatlong police applicant, isa rito ay positibo pa umano sa COVID-19, matapos mabulgar na nagsumite ng pekeng RT-PCR test result sa recruitment process ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief, P/General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, isa sa tatlong inaresto ay nag-positive sa COVID-19 at inilagay na sa isolation facility habang ang pang-apat na aplikanteng pulis na nagsumite rin ng pekeng RT-PCR test result, ay target ngayon ng manhunt operation ng lokal na pulisya.

Sinabi pa ni P/Gen. Eleazar, nakatakas man sa pag-aresto ang ika-apat na aplikante ay hindi naman ito makalulusot sa kaso at magiging target pa ng isasagawang follow-up operation.

Kasabay nito, inatasan ni P/Gen Eleazar ang lahat ng police units na nabigyan ng alokasyon sa mahigit 17,000 police recruits, na makipag-ugnayan sa PNP Recruitment and Selection Service Unit para alamin kung may kahalintulad na insidente sa kanilang hanay.

Ayon pa kay P/Gen. Eleazar, aabot sa 66 police trainee ang nagsumite ng pekeng RT-PCT test results sa kasagsagan ng recruitment ngunit 62 dito ang inabswelto matapos madiskubre na peke ang dokumentong kanilang naisumite.

“Layunin ng ating bagong sistema sa police recruitment na iyong tunay na qualified at tapat sa serbisyo lamang ang makapapasok sa organisasyon. Itong apat na ito, mag-a-apply pa lang magpulis, nakuha nang manloko. Akala yata ay makalulusot. Bukod sa blacklisted na sila sa pag-a-apply sa PNP, may asunto pa sila ngayon,” ayon kay P/Gen Eleazar.(JESSE KABEL)

73

Related posts

Leave a Comment