Nagugutom na mga residente ng QC inaresto nang magprotesta BIGAS HINDI REHAS

KINONDENA ng mga residente ng Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pagasa, Quezon City ang pag-aresto sa 21 nilang kasamahan na nagdaos ng kilos protesta sa North Edsa.

Sigaw ng mga residente, bigas sana at hindi rehas ang tugon ng lokal na pamahalaan sa kanilang paghingi ng ayuda partikular ang pagkain.

Ayon kay QCPD Director PCSupt. Ronnie Montejo, inaresto nila ang mga residente dahil sa paglabag sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) na umiiral sa buong Luzon.

Dahil dito, kakasuhan nila ang mga inaresto ng paglabag sa ECQ protocols (RA1132), resisting arrest in person of authority at disobedience.

Binanggit pa ng QCPD na nagbigay sila ng palugit pero nagmatigas ang mga residente na humantong sa pag-aresto sa kanila.

Ayon naman kay Josie Lopez, presidente ng Sitio San Roque at miyembro ng grupong Kadamay, mayroon umanong tumawag sa kanilang istasyon ng telebisyon na nagsabing may magbibigay ng relief goods kaya nasa labas sila para hintayin ang sinasabing tulong.

Sinabi pa niya na nabigla sila nang may dumating na mga tauhan ng QCPD at agad inaresto ang kanilang mga kasama.

Ayon naman kay Lara Vargas, Community leader ng Sitio San Roque, kung hindi sila mamatay sa COVID-19 ay mamamatay naman sila sa gutom.

Binanggit pa niya na wala pa silang natatanggap maski isang butil na bigas mula sa Brgy. Bagong Pagasa at Quezon City Hall.

Idinagdag pa niya na wala rin silang nakakausap na mayor mula nang magsimula ang krisis sa COVID-19.

Ipinagtataka pa ng mga residente kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa umano sila binibigyan ng relief goods.

Sinabi rin ni Jacinto Caminade, dating presidente ng Purok ng Bagong Pag-asa na lumabas sila sa kani-kanilang bahay upang hintayin ang pamimigay ng food packs.

Naniniwala naman si Rannie Ludovica, Action Officer ng Task Force Disiplina ng Quezon City, na may fake news na ipinarating sa mga taga-Sitio San Roque mula sa grupong Kadamay na may mamimigay ng relief goods kaya sila naglabasan.

Anya, bibigyan naman ng relief goods ang mga residente sa nasabing lugar ngunit hindi pwedeng pagsabay-sabayin dahil sa dami ng mamamayan ng lungsod.

Sinikap ng Saksi Ngayon News Team na makuha ang panig ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pamamagitan ni Weng Macatao subalit hindi ito nagpaunlak ng panayam. JOEL O. AMONGO

56

Related posts

Leave a Comment