(NI NICK ECHEVARRIA)
HALOS umabot na sa 1,200,000 na mga pasaway ang inaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay sa mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa sa Kalakhang Maynila.
Sa ipinalabas na datos ni P/MGen. Guillermo Eleazar, Director ng NCRPO, nasa kabuuang 1,191,090 na mga lumabag ang nadakip simula June 13, 2018 hanggang nitong July 5 sa Metro Manila.
Sa mga nadakip na pasaway ang mga lumabag sa smoking ban ang may pinakamalaking bilang na naitala na 277,048 katumbas ng 23.26 percent ng kabuuang bilang.
Sinundan ito ng mga nahuling menor de edad na lumabag sa “curfew hours” na 74,547, o 6.26 percent sa parehong panahon na ibinalik din sa pangangalaga ng kanilang mga magulang kasabay ang paalala ng tamang pagdisiplina sa kanilang mga anak.
Pumangatlo naman sa bilang na 63,844 o 5.36 percent ang mga naarestong lumabag na naglalakad ng walang damit pang-itaas sa mga pampublikong lugar habang 54,223 katumbas ng 4.55 percent ang inarestong umiinom sa mga ipinagbabawal na lugar.
Samantalang ang 721,428 na iba pa o 60.57 percent ng kabuuang mga naaresto ay pawang mga lumabag din sa iba’t iba pang mga ordinansa ng mga bayan at lungsod sa Metro Manila.
Sa limang distrito na nasasakupan ng NCRPO, ang Quezon City Police District (QCPPD) ang may pinakamataas na bilang ng mga naarestong pasaway na umabot sa 644,335 o 54.10 percent.
Sumunod ang Eastern Police District (EPD) na nakapagtala ng 259, 602 na katumbas ng 21.80 percent na huli, pangatlo ang Northern Police District (NPD) 121,141 o 10.7 percent, pang-apat ang Manila Plice District (MPD) 96,391(8.09%) at pang-lima ang Southern Police District (SPD) sa bilang na 69,621 na katumbas ng 5.85 percent.
Sa kabila ng malaking bilang na naitalang ito sa kabuuang mga nahuling pasaway sa Metro Manila, patuloy ang mahigpit na utos ni Eleazar sa kanyang mga station commanders at kapulisan sa pagpapatupad ng mga umiiral na ordinansa sa Metro Manila bilang suporta sa local government.
169