UMABOT sa 24 na katao ang nalunod sa CALABARZON Region sa buong linggo ng paggunita ng Semana Santa.
Batay sa datos na naitala ng CALABARZON Police Regional Office 4A (PRO 4A), pinakamarami ang mga nalunod sa lalawigan ng Batangas na may 11 total.
Pangalawa ang Quezon na may bilang na 6, apat ang nalunod sa Cavite at tatlo naman sa Laguna.
Ayon pa sa PNP, karamihan sa mga nalunod ay mga bata at menor de edad, kabilang ang limang magpipinsan na nalunod sa Barangay Sambal Ilaya, Lemery, Batangas noong Sabado de Gloria ng tanghali.
Sa Batangas, naitala ang mga insidente ng pagkalunod sa beach resorts sa mga bayan ng San Juan, Lemery, Lian at Nasugbu, pawang pangunahing tourist destination ng beach goers.
Pinakaunang naitala sa Calabarzon ang isang menor de edad na nalunod sa beach resort sa Barangay Nonong Castro, Lemery, Batangas noong Palm Sunday.
Ang pinakamatanda namang biktima ng pagkalunod ay isang 76-anyos na babae sa Sitio Hulo, Barangay Calayo, Nasugbu, Batangas noong Easter Sunday.
Ilan ding mga biktima ang nalunod sa Quezon at Cavite gayundin sa Batangas dahil sa paliligo sa dagat nang nakainom.
Samantala, iniulat ng Philippine National Police (PNP) na mahigit sa 60 na indibidwal ang nalunod sa iba’t ibang lugar sa buong bansa sa panahon ng Semana Santa.
Ang pinakahuling update ay inilabas dakong 6:00 ng umaga noong ika-9 ng Abril.
Sinabi ng tagapagsalita ng PNP na si P/Col. Jean Fajardo, ang karamihan sa mga insidente ng pagkalunod ay nangyari sa Rehiyon 1, Rehiyon 3, at CALABARZON.
Binigyang-diin rin niya na karaniwan ang mga insidente ng pagkalunod sa panahong ito, lalo na sa mga lugar kung saan maraming tao ang pumupunta sa mga beach at resort.
Hinimok ng PNP ang publiko na mag-ingat nang lubos kapag nakikipag-ugnayan sa mga aktibidad sa tubig at isaisip ang mga alituntunin sa kaligtasan, lalo na kapag nagsi-swimming sa hindi pamilyar na mga lugar. Paalala rin nila sa publiko na huwag uminom ng alak bago mag-swimming at bantayan nang maigi ang mga bata at menor de edad.
Ang kamakailang mga insidente ay magsisilbing paalala sa lahat na ang kaligtasan ay dapat laging maging pangunahing prayoridad, lalo na sa mga panahong mataas ang aktibidad ng mga turista. Hiniling din ng mga awtoridad ang pagpapalawak ng kamalayan at pagbabantay upang maiwasan ang katulad na mga insidente sa hinaharap. (NILOU DEL CARMEN)
