Napikon sa Marikina netizens KAT PIMENTEL NAGBANTA NG CYBER LIBEL

MISTULANG napikon na sa mga banat sa kanya sa social media kaya pinagbantaan ng asawa ni Senador Koko Pimentel ang mga netizen ng Marikina City na sasampahan ng kasong cyber libel.

Sa Facebook, nag-post si Kat Pimentel ng isang FB page na may pangalang “Marikina Tiktalk” na sinamahan niya ng komento na ang “pagkakalat ng fake news ay may seryosong kahihinatnan.”

Ayon kay Pimentel, pinag-iingat niya ang admin ng nasabing page sa pagkakalat ng fake news dahil baka kasuhan niya ito. Bukod sa admin ng nasabing Facebook page, plano rin daw sampahan ni Pimentel ng kaso ang barangay kung saan ito nakatira.

Nairita si Pimentel sa Marikina Tiktalk dahil sa mga pino-post nito na mga balita ukol sa pagiging doble kara nito at pang-iiwan sa ere sa mga Teodoro.

Sa mga ulat, nilaglag umano ni Kat sina Mayor Marcy Teodoro at Marikina 1st District Rep. Maan Teodoro kahit malaki ang naitulong ng mga ito para siya makilala sa siyudad. Tinawag din si Kat na doble kara dahil nakikipag-usap umano ito sa kampo ng mga Quimbo, na karibal ng mga Teodoro sa Marikina.

Nagsilbing tulay umano kina Pimentel at Quimbo ang dating politiko na si Del de Guzman.

Nagkasundo umano ang dalawang kampo na magsasanib-puwersa laban sa mga Teodoro sa darating na halalan.

Tinawag naman ni Kat na fake news ang mga nasabing ulat bagaman usap-usapan ito ng mga taga-Marikina sa social media.

177

Related posts

Leave a Comment