NATALSIKAN NG PUTIK NANAKSAK, 1 PATAY

NALAGUTAN ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isang 21-anyos na stay-in employee sa isang printing shop, nang saksakin sa dibdib ng isang lalaki noong Miyerkoles ng gabi sa Claro M. Recto Avenue, Barangay 310 , Sta. Cruz, Manila.

Kinilala ang biktimang si John Mark Oliva, binata, stay-in sa JDM printing shop sa nasabing lugar

Agad namang nadakip sa ikinasang anti-criminality campaign ng mga tauhan ni Police Major Arnold Echalar, hepe ng Manila Police District – Alvarez Police Community Precinct (PCP), ang suspek na si Michael Lepitan, 37, binata, ng Brgy. 310, Sta. Cruz, Manila.

Base sa ulat ni Police Major Echalar, bandang alas-11:50 ng gabi nang mangyari ang insidente sa tapat ng nasabing printing shop.

Habang sinusundot umano ng biktima ang baradong kanal nang matalsikan ng putik si Lepitan na dumaraan sa lugar.

Bunsod nito, nagalit ang suspek ngunit naawat ng isa sa mga katrabaho ng biktima.

Ngunit ilang saglit pa lamang ang nakararaan ay bumalik ang suspek na armado ng patalim at inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima.

Mabilis na isinugod sa naturang pagamutan si Oliva subalit dakong 12:07 ng madaling araw ay idineklarang patay na ito.

Agad namang ipinagbigay-alam ng Alvarez PCP sa tanggapan ng MPD-Homicide Section ang insidente.

Ang suspek na mabilis na nadakip, ay nahaharap sa kasong murder.

(RENE CRISOSTOMO)

347

Related posts

Leave a Comment