ISA sa bawat apat na Pilipinong nasa hustong gulang ang walang trabaho sa huling bahagi ng nakalipas na taon, batay sa survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS) na isinapubliko nito lamang nakaraang Huwebes.
Sa datos ng SWS, lumalabas na 11 milyong Pinoy edad 18 pataas – katumbas ng 24.7% — ang walang hanapbuhay sa huling sangkapat ng 2021. Pinakamataas ang antas ng “unemployed” sa Metro Manila kung saan naitala ang 34% “unemployment rate.” Nasa ikalawang pwesto naman ang Balance Luzon na may 29%, Mindanao na mayroong 18% at Visayas na may 17%.
Gayunpaman, lumalabas na mas mababa ang bilang ng mga walang trabaho sa 4th quarter ng nakaraang taon kumpara sa 3rd quarter ng 2021 kung saan pumalo sa 11.9 milyong Pilipino ang “unemployed.’
“The resulting 25.7% average for 2021 is 11.7 points below the record-high 37.4% average for 2020 but still 5.9 points above the 19.8% average of 2019, before the COVID-19 pandemic,” paliwanag pa ng SWS.
Naitala 45.5% unemployment rate — ang pinakamataas na antas sa kasaysayan ng bansa – noong Hulyo 2020, panahong mahigpit na ipinatupad ng pamahalaan ang tigil operasyon ng mga negosyo bunsod ng peligrong dala ng COVID-19. Sa mga panahon din ito nakaranas ng pinakamatinding gutom ang mga mamamayan.
Ayon sa SWS, ang resulta ng survey ay batay sa tugong ibinahagi ng 1,440 respondents mula sa National Capital Region, Luzon, Visayas at Mindanao na personal na nakapanayam mula Disyembre 12 hanggang 16, 2021. (LILY REYES)
166