NCRPO chief pumalag sa ‘extortion’ 3 PNP-ACG SIBAK SA RAID SA MALATE SCAM HUB

MARIING itinanggi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Sidney Hernia ang paratang na extortion sa kanilang hanay ang responsable sa pagsalakay sa umano’y scam hub sa Century Peak Tower, Malate, Manila.

Ayon kay Hernia, lubhang “absurd and unfounded,” ang akusasyon laban sa kanya at 14 na iba pang opisyal ng kapulisan. Kasunod ng pahayag na handa nilang harapin ang anomang imbestigasyon para patunayang legal ang inilunsad na operasyon.

“I will not tolerate any wrongdoing within our ranks, and I firmly urge the accusers to substantiate their claims in the proper forum. The NCRPO fully welcomes any investigation into this matter, as it will provide a great opportunity to prove the regularity and legality of our actions,” ani Hernia.

Ayon sa PNP, lehitimo ang pagsalakay sa hinihinalang Malate scam hub sa likod ng puna ng PAOCC.

Sa nasabing insidente ay apat na Chinese ang inaresto ng mga kapulisan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group sa raid laban sa online scammers.

Ang mga naarestong Chinese national ay lumapit sa National Police Commission para maghain ng reklamo.

Sa reklamo sa opisina ni Interior Secretary Jonvic Remulla, hindi umano sila binasahan ng kanilang karapatan ng raiding team.

Isa umano sa mga naaresto ang hiningan ng aabot sa P1-milyon kapalit ang abogado na may malakas na kapit sa NCRPO para sa agaran nilang paglaya.

Sinasabing target ng raid ang “mother of all scam hubs,” na isinagawa ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group under cyber warrants.

May mga alegasyon na minaniobra umano ng PNP-NCRPO ang nasabing pagsalakay kung saan nasa 69 foreigners at mahigit 40 Pilipino ang nadakip subalit nakalaya rin dahil sa legalidad.

Kaugnay sa nasabing pagsalakay ay sinibak sa puwesto ang tatlong tauhan ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) matapos umanong galawin ang CCTV camera sa ni-raid na scam hub.

Sa natanggap na report ng PNP-ACG, habang isinasagawa ang operasyon, may mga pulis na nakitang naglalakad sa hallway na walang suot na pang-itaas at nakapatay ang CCTV camera.

Dahil dito, agad na ipinag-utos ni ACG Director MGen. Ronnie Francis Cariaga ang pagsibak sa mga pulis na sangkot at ang pagsasagawa ng administrative investigation. (JESSE KABEL RUIZ)

8

Related posts

Leave a Comment